Bomogao, nasungkit ang ginto sa Palarong Pambansa


By upao - Posted on 03 May 2018

 

Pinataob ni Islay Erika Bomogao, mag-aaral ng BSU-SLS at atleta ng Cordillera Administrative Region ang mga katunggali para masungkit ang gintong medalya sa 45kg Pencak Silat sa ginanap na Palarong Pambansa noong Abril 15-21, 2018 sa Vigan, Ilocos Sur.

Nakuha rin niya ang gintong medalya sa 45kg Tanding (sparring) at artistic exhibition with partner na kategorya kasama si Nazareth Pascua.

Kanyang nakatunggali ang mga atleta mula sa Region 6 (Western Visayas), National Capital Region, at Region 12 (SOCCKSARGEN) kung saan tinalo niya ang mga ito sa pagpapakawala ng mga basic kicks at punches at magandang timing upang makarating sa finals kontra sa Region 2.

Sa championship match,pumabor sakanya ang limang hurado at tuluyang naibulsa ang gintong medalya.

“My win is very fulfilling because it is my last year to join and all my sacrifices paid off,” wika ni Bomogao nang tanungin tungkol sa kanyang pagkapanalo.

Ayon sa kanya,ang nagpapanalo sakanya bukod sa skills ay ang ipinakitang suporta ng mga tao. Ito ang ginamit niyang lakas sapagkamit ng unang puwesto.

Maaalang si Bomogao ay nakasungkit din ng pilak na medalya noong nakaraang Palarong Pambansa sa Antique.

Bago siya nakarating sa Palarong Pambansa, nakapaguwi siya ng 2 gintong medalya mula sa Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) meet.

Susunod siyang sasabak sa darating na Women’s Martial Arts Festival sa Hulyo at sa iba pang mga Muay Thai events.//AngTulay