BSU, nakiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika
SEPTEMBER 2, 2024
Nakiisa ang Benguet State University (BSU) sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto 2024, sa ilalim ng pamumuno ng Kagawaran ng Filipino ng Kolehiyo ng Sining at Humanidades. Sa pagdiriwang na ito ay tampok ang temang "Filipino: Wikang Mapagpalaya.”
Ang Pampinid na Palatuntunan ng Buwan ng Wika ay ginanap noong Agosto 29, 2024 sa Himnasyo ng BSU. Nagsilbing Panauhing Tagapagsalita sa nasabing pagdiriwang si Dona Fortes-Canda, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Don Mariano Marcos Memorial State University (DMMMSU).
Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag niya ang kahulugan ng tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Paliwanag niya, ang wika ay nagiging mapagpalaya kapag ito ay nagagamit upang ipahayag ng isang tao ang kanyang saloobin, adhikain, at mga pangarap. Dagdag niya, ang wikang Filipino ay hindi lamang isang kasangkapan ng komunikasyon kundi isang makapangyarihang instrumento ng kalayaan, pagbabago, at pag-unlad.
Binigyang-diin din ni Canda ang kahalagahan ng wika sa edukasyon, pagkakaunawaan, pagbuo ng kilusan at pag-aaklas para matamo ang karapatan, at bilang plataporma ng mga mamamayan sa pagpapahayag ng ideya at opinion.
Ayon sa kanya, ang wika ang naging sandata ng mga bayani at manunulat sa kasaysayan ng Pilipinas na kung saan ang kanilang mga akda ay nagsilbing inspirasyon sa mga mamamayang Pilipino upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Saad din niya na ito ay nagiging tulay upang maunawaan ang mga batas at serbisyong pampahalaan, magkaisa ang iba’t ibang sektor ng Lipunan, at magtaguyod pagkakapantay-pantay at katarungan.
Hinimok din ni Canda ang bawat isa na gamitin ang wika sa pagpapakalat ng tama at makatotohanang impormasyon at huwag itong gamitin para manira ng kapwa. “Sa bawat salita at pangungusap na ating binibigkas, nawa ay magpagpalaya ang ating wikang gagamitin. Gamitin natin ito upang magbigay inspirasyon. Gamitin natin ang wika na magturo. Gamitin natin ang wika sa pagtataguyod ng mga positibong pagbabago sa ating lipunan. Ipihayag natin ang ating sarili, kilalanin natin ang ating mga karapatan, bumuo tayo ng komunidad gamit ang wikang mapagpalaya. Gamitin natin ang wika sa pag-ambag ng pag-unlad at pagtataguyod ng mas makatarungan at malayang lipunan,” dagdag niya.
Sa loob ng isang buwang pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ginanap ang iba't ibang paligsahan na nagbigay-diin sa kahalagahan ng wikang Filipino tulad ng paligsahan sa pagsulat ng tula, pagsulat ng sanaysay, tagisan ng kaalaman, poster-slogan, sayawit; at isahang pag-awit na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang koliheyo ng pamantasan.
Sa parehas na okasyon ay pinarangalan ang mga nagwagi sa mga nasabing paligsahan.
Sa patimpalak sa pagsulat ng tula, nasungkit ni Mark Caingles ang unang puwesto; si Princess Kyla F. Laurelio ang pangalawang puwesto; at si Dave Cammas ang pangatlong puwesto. Sa pagsulat ng sanaysay, ang mga nanalo ay sina Melisa Baquiran sa unang puwesto; Darsen R. Suyat sa pangalawang puwesto; at Jovener S. Soro sa pangatlong puwesto. Sa tagisan ng kaalaman, nanalo sina Jhomel Lander B. Calam sa unang puwesto; si Marlon C. Cambay sa pangalawang puwesto; at si Trixie L. Miranda sa pangatlong puwesto. Sa paligsahan ng Poster-Slogan, si Regie A. Bosque ang nanalo bilang unang puwesto; si Krizle E. Galino ang pangalawang puwesto; at si Jessica Mae A. Maramag ang pangatlong puwesto. Samantala, ang College of Teacher Education ang nag-iisang nagwagi sa paligsahan ng sayawit. Sa isahang pag-awit, si Charisse Pelino ang nanalo sa unang puwesto; si Jaizer Darillio ang pangalawang puwesto; at si Rhean Tulian ang pangatlong puwesto.
Sa pagtatapos ng programa, pinasalamatan ni Myrna B. Sison-Kuiper, Dekana ng Kolehiyo ng Sining at Humanidades, ang aktibong pakikilahok ng mga mag-aaral at mga guro ng pamantasan. Ayon sa kanya, napatunayan sa loob ng isang buwang pagdiriwang na ang wikang Filipino ay buhay, mayaman, at patuloy na yumayabong sa bawat henerasyon.
Nagbigay din siya ng hamon sa bawat isa na ipagpatuloy ang diwa ng wikang mapagpalaya sa araw-araw ng ating pamumuhay at saan man tayo magpunta.
“Huwag sana natin kalimutang itaguyod at palaganapin ang ating wika, ganun din ang ating mother tongue o unang wika, lalo na sa mga kabataan na siyang mapapapatuloy sa ating mga nasimulan,” sabi niya.
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay alinsunod sa Proklamasyon Blg. 1041, na nilagdaan noong 1997 na nagtatakda ng Agosto bilang Buwan ng Wikang Pambansa at naglalayong itaguyod ang paggamit ng wikang Filipino at pahalagahan ang wika at kultura.//EBawayan